-Kung bibigyan ka ng pagkakataong sabihin as buong mundo ang laman ng utak mo, ano ang sasabihin mo?
-'Yan ang oportunidad na ibinigay sa akin ng internet. Hindi ako aktibista, hindi rin peryodista, lalo namang hindi artista. Pero dahil sa internet, nasasabi ko ang gusto kong sabihin... dahil sa internet, hindi na mahalaga kung sino ka; mas mahalaga ang sasabihin mo at kung may paki-alam ba sila.
-Dahil sa internet, buhay high school ko parang naiba. May mga oras na nabaliw ako at tinanong ang sarili, "normal ka pa ba?" May mga oras din na dahil sa mga taong allergic sa blogs ay ginusto ko nang mag-apply para sa life insurance at magpakamatay. At may mga oras din na mas high pa ako sa mga naka-singhot ng rugby dahil nalaman kong maraming tao ang nasa likod ko... at hindi sila mga pangkaraniwang taooo.
-Dahil sa internet, nagkaroon ako ng pagkakataong matamasa naman 'yung tinatawag ninyong 'freedom of expression'. Nilagay ko sa personal kong blog ang mga araw-araw na nangyayari sa buhay estudyante ko at kung paano ako dito nakaka-survive. Nagpatawa ako, nag-share ako ng nalalaman, nagsulat ako na parang bibitayin na kinabukasan, at syempre, tumuligsa ako. Dahil sa blog ko, nasuspend ako ng sampung araw; at kahit isa't kalahating araw lang ako di pinapasok sa Kisay, masakit pa rin yun, puwera pa sa mga nakakatakot at nakakatusok na mga salita na galing mismo sa bokabularyo ng mga taong dapat nagtuturo sa atin kung ano ang tama at ang mali--at sa pili ng mga salita nila, hindi mo mahahalatang "Dr. Principal IV", "award-winning research teacher sa loob at labas ng bansa" at "bagong adviser ng isa sa mga pinakamagaling na schoolpaper sa bansa" sila.
-Sinadya kong i-private ang blog entries ko noon. O sa mas madali 'nilang' maiintindihang salita, mga kaibigan ko lang ang makakabasa at binigyan ko ng karapatang makabasa nito. Nasa isip ko kasi noon, problema natin 'to, atin-atin lang ito. Kumbaga, usapang pamilya.
-Pero alin nga ba ang dahilan ng sinasabi niyong sanhi ng pagbagsak ng bakal na logo ng Kisay sa ulo ng mga Scientians? Ang apat na estudyante ba na nagpakita ng loyalty at pagmamahal sa Alma Mater, o ang mga taong pilit pinagtatakpan ang mabahong hangin sa ilalim ng mga medalyang napapanalunan ng mga kawawang batang nalilito kung tama pa rin ba ang ginagawa ng mga mas nakakatanda?
-Nagreklamo lang ako. Bakit di niyo lutasin yung problemang rineklamo naming mga estudyante? Bakit yung mensahero yung binabaril niyo?
-Kung balak niyo barilin lahat ng nagsasabi ng nararamdaman nila at lahat ng may ayaw sa pagpapatakbo mo sa school natin, pustahan tayo, kalahati pa lang, ubos na bala niyo.
-Balik tayo sa pagiging normal na high school student ko... Sa tingin ko, normal pa naman ako. Tulad ng 1000+ na Scientians na pumapasok araw-araw sa lugar na tinatawag na Kisay, sumasakay ako ng jeep; nale-late din minsan; nangongopya ng assignment; kumakain ng mga tinda ni Ate Duday sa Canteen; nakakatulog habang Research; nagdodota sa uwian... See? Normal pa rin ako.
-Malamang, nagkaiba lang tayo sa mga nangyari. Nakita ko ang mga pangyayari. Nagreklamo lang ako. Pero kahit nagkaganito ang unang tatlong taon ko sa high school, may maikukuwento naman ako sa mga magiging apo ko...
-Kasi kung hindi ako, e sino? Eh kayo? may pakialam pa ba kayo sa Alma Mater natin na minsan ding minahal ni Bogart?
Tuesday, February 24, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)



No comments:
Post a Comment